Umakyat pa sa 1,074,141 ang bilang ng mga apektadong indibidwal sa Luzon dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Karding.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ito ay katumbas ng 299,519 mga pamilya mula sa 1,922 barangays sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region.
Sa ngayon nasa 780 mga pamilya na lamang ang nananatili o mahigit 3,000 indibidwal ang nananatili sa mga evacuation centers habang ang iba naman ay umuwi na sa kanilang mga bahay o nanunuluyan sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.
Ayon pa sa ulat ng NDRRMC, nananatili sa 12 ang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyo at may limang indibidwal na missing pa sa ngayon.
Sa naturang bilang ng nasawi walo dito ang kumpirmado na habang ang nalalabi naman ay isinasailaim pa sa validation.
Umakyat naman sa mahigit 60,000 na ang bilang ng mga kabahayan na nasira sa Regions 1, 2, 3, Calabarzon, at CAR.