Nagkakaisa ang dalawang kapulungan ng Kongreso sa pagnanais na makamit ang “zero veto” sa mga panukalang kanilang aaprubahan ngayong 18th Congress.
Sa small group meeting kahapon ng Legislative-Executive Development Advisory Council, sinabi ni House Majority Leader Martin Romualdez na kanilang napagkasunduan ang pagdaraos ng “regular monthly meeting.”
Ito ay para maging matiwasay aniya ang proseso sa pagbalangkas ng batas lalo na ang mga priority measures ni Pangulong Rodrigo Duterte at maiwasan na rin ang pagkakataon na ma-veto ang mga ito.
Paraan din aniya ito upang matiyak ang magandang relasyon at ugnayan sa pagitan ng Kongreso at miyembro ng Gabinete ng Pangulo, na kanilang nakikitang susi upang matiyak ang mabilis na pag-facilitate at pag-harmonize sa mga panukala lalo na ang mga itinuturing na priority measures.
“We are eyeing zero veto for all bills to be approved by the Senate and the House. Hopefully, we can avoid any possibility of a Presidential veto by working closely with Cabinet members and Senate officials,” ani Romualdez.
Kasabay nito ay tiniyak ni Romualdez na hindi nila sasayangin ang oras, pagod at salapi ng bayan, para sa pag-apruba ng mga mahahaagang panukalang batas.
Samantala, makikipagtulungan din aniya ang Kongreso sa Presidential Legislative Liaison Office para malaman agad nila ang mga probisyon ng isang panukala na kailangan ng masusing talakayan para miwasan na rin ma-veto ang mga ito.