Kabilang sa naging kontrobersyal pero sinuportahang hakbang ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong 2019 ang kanyang pagsuspinde sa implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law matapos itong maabuso at napaboran ang mga mayayaman bagama’t high-profile inmates o convicted criminals.
Sa isinagawang press conference noong Setyembre 4, inianunsyo ni Pangulong Duterte ang kautusang pagtugis sa mga nakinabang ng GCTA at kahandaang magbigay ng P1 million patong sa ulo sa bawat convicted criminals na nakalaya kung bigong sumuko sa ibinibigay nitong 15 araw para bumalik sa Bureau of Corrections (BuCor).
Sinabi ni Pangulong Duterte na kung mabigo silang lumutang sa loob ng 15 araw, ituturing na silang “fugitive of the law” o mga kriminal at maaari silang mapatay.
Ayon kay Pangulong Duterte, P1 million ang pabuya sa bawat isa sa 1,700 convicted criminals na nakalaya na kinabibilangan ng mga sangkot sa heinous crimes at illegal drugs cases.
Kaya saan man daw sila, mas mabuting sumuko na sa mga pulis o militar kaysa mapatay.
Tiniyak naman ni Pangulong Duterte na hindi makakalabas ng bansa ang mga Chinese nationals na convicted sa illegal drugs cases na napasama sa mga nakalaya dahil sa GCTA.
Inaako daw nito ang buong responsibilidad at handang maimbestigahan sa magiging kahinatnan ng kanyang desisyon.
Magugunitang sa naging imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee. lumalabas na mahigit 2,000 convicts ang kwestiyonableng nakalaya dahil sa GCTA.
Nagresulta naman ito sa pagsibak ni Pangulong Duterte kay dating BuCor director-general Nicanor Faeldon matapos umanong sumuway sa direktiba ng pangulo na huwag palayain o huwag pirmahan ang release order ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na hinatulang guilty sa pagpatay at pagpapahirap kay Alan Gomez at panghahalay at pagpatay naman kay Aileen Sarmenta.