-- Advertisements --

Dinipensahan ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap ang kanyang panawagan na pahintulutang makabalik sa kanilang operasyon ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa ilalim ng work-from-home scheme.

Sinabi ng House Committee on Appropriations chairman na suhestiyon lamang niya ito upang sa makatulong sa pamahalaan na makahanap nang pagkukuhanan ng karagdagang pondo na maaring gamitin sa laban kontra COVID-19.

Ayon kay Yap, ang Philippine Amusement and Gaming Corp (PAGCOR) ay kumikita ng P500 million mula sa license tax sa mga POGOs.

Nilinaw nito na hindi niya pinapaburan ang mga Chinese POGO workers sa rekomendasyon niyang ito.

Sa katunayan aniya, hiniling na niya sa Bureau of Internal Revenue (BIR) dati pa na ipasara ang mga POGO na hindi nagbabayad ng kanikanilang buwis.