-- Advertisements --

Nais siguraduhin ng mga world leaders na magiging patas ang pagkakaroon ng access ng mga bansa sa oras na magawa na ang gamot na maaaring tumapos sa pandemyang nararanasan ng buong mundo.

Sa sulat na ibinahagi ng walong world leaders, nakasaad dito na ang tanging susi umano para mapagtagumpayan ang COVID-19 pandemic ay kung magkakaroon laman ng access ang bawat bansa sa bakuna.

Pinagtulungan itong gawin nina, South Korean President Moon Jae-in, Canadian Prime Minister Justin Trudeau, Ethiopian President Sahle-Work Zewde, New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern, South African President Cyril Ramaphosa, Spanish Prime Minister Pedro Sanchez Perez-Castejon, Swedish Prime Minister Stefan Lofven at Tunisian Prime Minister Elyes Fakhfakh.

Naniniwala raw kasi ang mga ito na malaki ang posibilidad na makagawa na ng lunas sa deadly virus lalo na at halos 200 potential COVID-19 vaccines na ang nasa iba’t ibang stage ng development.

Hindi rin umano papayagan ng mga ito na mas lalo pang mahirapan ang mga mahihirap na bansa. Anila ang future COVID-19 vaccine ay maaaring magsilbing instrumento upang makamit ang isa sa mga key elements ng sustainable development goals ng United Nations at ito ang siguraduhin ang maayos na kabuhayan at kalusugan para sa lahat.