-- Advertisements --

Buo parin ang tiwala ng White House sa United States Secret Service upang bantayan ang seguridad ni U.S. President Donald Trump kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang hotel sa Washington, D.C. noong Sabado (Linggo sa Pilipinas).

Ayon sa isang opisyal ng White House, naniniwala ang Pangulo na mahusay ang naging pagtugon ng mga Secret Service agent matapos nilang mapigilan ang suspek.

Kasabay nito, magsasagawa rin ng masusing pagrepaso sa security protocols upang maiwasan ang katulad na pangyayari sa hinaharap.

Maalalang naganap ang insidente malapit sa security checkpoint sa lobby ng hotel, kung saan idinaos ang isang event kaugnay ng White House Correspondents’ Dinner.

Ayon sa mga awtoridad, ang suspek ay kinilalang si Cole Tomas Allen, 31, mula California, na inaresto matapos umano’y magpaputok ng baril sa lugar.

Nakatakda siyang humarap sa korte para sa patong-patong na mga kaso.

Napag-alaman na si Allen ay self-described na “game developer and teacher,” ngunit patuloy pa ring inaalam ng mga imbestigador ang kanyang motibo at iba pang detalye.

Samantala, sinabi ni Federal Bureau of Investigation (FBI) Director Kash Patel na handa ang FBI na tumulong sa posibleng muling pagdaraos ng White House Correspondents’ Dinner sa loob ng susunod na 30 araw, bagama’t wala pang pinal na anunsyo.

Iminungkahi rin ni Trump na maaari pang maganap ang bagong petsa ng event sa lalong madaling panahon, ngunit nilinaw ng mga opisyal na wala pang opisyal na schedule at isinasailalim pa ito sa masusing pag-aaral dahil sa mga isyung pangseguridad.

Sa isang panayam matapos ang insidente, sinabi naman ni Trump na hindi siya nabahala sa nangyari.