Todo na ang excitement ng mga fans ng National basketball Association (NBA) dahil sa simula na bukas ng bagong season ng liga.
Buwena-manong sasabak sa laro ang Golden State Warriors (GSW) at sisimulan na rin ang pagdepensa sa kanilang korona.
Bago ang game time, may selebrasyon muna dahil isasabay din ang champions ring night festivities.
Gagawin ito bago naman ang banggaan nila sa mahigpit na karibal na grupo nina LeBron James ng Los Angeles Lakers na magaganap sa Chase Center doon sa San Francisco, California.
Mangunguna naman si NBA Commissioner Adam Silver sa paggawad ng championship rings sa mga players ng Golden State.
Kabilang pa sa nag-aantay sa mga fans nina Stephen Curry at Warriors, ay ang isasagawa ring pregame fan fest sa Thrive City.
Samantala, kasabay sa pagbubukas ng panibagong NBA season bukas, mauuna sa laro ay ang harapan naman ng Finals runner-up na Boston Celtics at Philadelphia 76ers na magsisimula dakong alas-7:30 ng umaga.
Kaabang abang ang line up ng Celtics dahil tiyak na babawi sila na muntik ng magkampeon kung hindi diniskaril ng powerhouse team na Warriors.
Sa panig naman ng Sixers, kaabang ang pagdagdag nila ng players upang palakasin ang team.
Pagkatapos ng kanilang game, pagsapit ng alas-10:00 ng umaga ay ang laro naman ng Lakers versus Warriors. (with reports from Bombo JC Galvez)