
Inihayag ni Senator Risa Hontiveros na nakauwi na sa Pilipinas ang walong Pinoy na naging biktima ng human trafficking sa Cambodia.
Aniya, ang mga Pilipino ay nalinlang ng isang umano’y Chinese mafia upang magtrabaho bilang mga kinatawan ng customer o chat supporter ngunit nauwi bilang mga scammer ng crypto-currency sa Cambodia at Myanmar.
Dagdag ng senadora, maraming hirap ang dinanas ng mga Pinoy workers sa kamay ng mga Chinese mafia.
Kabilang na dito ang hindi sila pinapasweldo, hindi pinapakain ng maayos, at hindi halos pinapatulog.
Kung hindi maka-scam ng tao, pinagbabantaan pa umano silang saktan.
Ikinalungkot ng senadora na napilitan ang mga biktima na maghanap ng trabaho sa ibang bansa dahil kulang ang mga ito ng oportunidad sa Pilipinas.
Muling umapela si Senator Hontiveros sa mga Pinoy na iwasang mag-apply sa mga job post na naghahanap ng customer service agent sa naturang dalawang bansa.










