-- Advertisements --

Itutuloy ng Mababang Kapulungan ang impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte na nakatakda sa April 14,2026, matapos hindi naglabas ng Temporary Restraining Order and Korte Suprema.

Ito ang inihayag ni House Committee on Justice chair at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro.

Binigyang-diin ni Luistro na sila ay naninindigan na ang mga pagdinig ng House Committee on Justice ay ganap na naaayon sa Konstitusyon at mahigpit na sinusunod ng panel ang mga panuntunan ng Kamara, ang Saligang Batas, at ang mga kaugnay na desisyon ng Korte Suprema.

Siniguro din Luistro na ang mga pagdinig ay magiging “patas, maayos, base sa ebidensya, at may ganap na paggalang sa due process.”

Minaliit din ni Luistro ang mga isyung ibinabato ng kampo ng Bise Presidente at inilarawan ang mga ito bilang mga teknikalidad lamang.

Ipinaliwanag ni Luistro na ang impeachment ay isang mekanismong itinakda ng Saligang Batas upang matiyak na ang mga matataas na opisyal ay sasagot sa mga seryosong akusasyon.

Ayon sa kanya, ang pampublikong tungkulin ay nangangailangan ng pananagutan, at ang mga nahaharap sa mga alegasyon ay dapat bigyan ng pagkakataong magpaliwanag at mapakinggan.

Tiniyak din ng Justice panel na sumusunod sila sa mga limitasyong itinakda ng batas, partikular na ang one-year bar rule.

Bagama’t inaasahan na umano nila ang mga legal na hakbang ng kampo ni Duterte, kumpiyansa si Luistro na mangingibabaw ang katotohanan sa gitna ng pagsusuri.

xxxxxxxxxxxxxxxx