Tiniyak ni House Speaker Alan Peter Cayetano na walang “parking of funds” sa loob ng P4.1-trillion proposed national budget.
Sinabi ni Cayetano na kaisa sila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kampanya nito kontra korupsyon kaya hindi papayagan ng Kamara ang “parking of funds” sa panukalang pambansang pondo.
Nangako rin ang lider ng Kamara na hindi nila pagtatakpan at walang pabor na ibibigay sa kahit sinong kongresista.
Maaasahan aniya ang pagkakaroon ng transparency sa magiging takbo ng budget deliberations.
Kung maaalala, ang parking of funds o ang pondong inilalaan sa mga piling distrito na hindi nalalaman ng kongresistang nakakasakop dito ang dahilan ng delay sa pagpasa ng 2019 national budget.
Samantala, magdodoble kayod ang Kamara maipasa lamang ang P4.1-trillion proposed national budget sa kanilang target na deadline.
Ayon kay House Speaker Cayetano , iuurong nila sa alas-5:00 ng hapon ang kanilang session mula sa orihinal na schedule na alas-3:00 ng hapon para makapagsagawa sila ng simultaneous budget deliberation sa apat na kagawaran o ahensya ng gobyerno bawat araw.
Dagdag nito, magtatrabaho sila araw-gabi kahit tuwing holidays masunod lamang ang kanilang timeline.
Nauna nang sinabi ni Cayetano na target ng Kamara na maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang pambansang pondo bago ang Congressional recess sa darating na Oktubre 4.