
Iniulat ng Civil Aeronautics Board (CAB) na walang overseas Filipino workers (OFWs) ang nasibak sa kanilang trabaho dahil sa nangyaring kanselasyon ng mga flight noong mismong New year sa may Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni Civil Aeronautics Board (CAB) Executive Director Carmelo Arcilla ang magandang balita sa mga mambabatas sa pagpapatuloy ng briefing ng House Committee on Transportation kaugnay sa NAIA crisis.
Aniya, ang naturang impormasyon ay nagmul sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na bahagi ng team na tumugon sa naturang problema.
Naniniwala din ang opisyal na naging matagumpay ang pamahalaan sa pagtugon sa nasabing krisis.
Matatandaan, noong Enero 1 naranasan ang power outage sa Communications, Navigation and Surveillance Systems for Air Traffic Management (CNS/ATM) ng NAIA na nagresulta sa kanselasyon ng mahigit 400 international at domestic flights kabilang ang mga OFWs na naka-schedule na bumalik sa kanilang mga pinagtratrabahuang bansa kasunod ng kanilang holiday vacation dito sa Pilipinas.










