-- Advertisements --

Nagpasya ang Senate impeachment court na ipagpatuloy ang orihinal na daloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos mabigong magkasundo ang prosekusyon at depensa sa mungkahing baguhin ang presentasyon ng ebidensya.

Ayon kay presiding officer Sen. Francis Escudero, kailangang tapusin muna ng House prosecution panel ang paghaharap ng lahat ng ebidensya at mga testigo para sa lahat ng articles of impeachment bago magsimula ang depensa sa presentasyon ng sarili nitong ebidensya.

Ipinaliwanag ni Escudero na ang naging desisyon ay alinsunod sa naging proseso sa impeachment trial noong 2012 laban kay dating Chief Justice Renato Corona, kung saan naunang tinapos ng prosekusyon ang kabuuan ng presentasyon nito bago binigyan ng pagkakataon ang depensa.

Sa ngayon, natapos na ng prosekusyon ang pagtalakay sa Article IV na may kaugnayan sa umano’y pagbabanta sa Pangulo, Unang Ginang, at dating Speaker Martin Romualdez. Kasalukuyan namang dinidinig ng impeachment court ang Article I na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education. (report by Bombo Jai)