Hindi pa tinatalakay sa ngayon ng pamahalaan ang posibilidad na magpatupad ulit ng lockdowns o itaas ang quarantine status sa Alert Level 5, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na wala pa namang sapat na merito sa ngayon para magpatupad ng lockdowns, kahit pa na kahapon lang ay pumalo sa record-high 28,000 mahigit ang naitalang bagong COVID-19 cases.
Paliwanag ng kalihim, nananatili naman kasing mataas ang vaccination rate, partikular na sa National Capital Region at ilan pang mga lugar na nasa ilalim ngayon ng Alert Level 3.
Gayunman, sa ngayon, sinabi ni Año na tinitingnan na ng IATF ang posibilidad na ilagay sa Alert Level 4 ang NCR alinsunod na rin sa naging rekomendasyon ng Department of Health.
Pero ang usapin aniya na ito ay kailangan pang talakayin kasama ng mga alkalde sa Metro Manila.
Noong Sabado, pinalutang ni Health Secretary Francisco Duque III ang posibilidad na ilagay ang NCR sa ilalim ng Alert Level 4 ngayong patuloy na tumataas ang COVID-19 cases pati na rin ang healthcare utilization rate sa rehiyon ay malapit nang umabot sa moderate risk.
















