-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Interior and Local Government (DILG) na hindi na kailangan pang pumirma ng waiver ang mga nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno.

Ayon kay DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya, nakasaad umano sa waiver na pinapapirma sa mga benepisyaryo ng tulong pinansyal na ito na walang responsibilidad ang sinumang local official sa anumang reklamo.

Ginawa ng opisyal ang pahayag na ito makaraang ilang local government officals sa San Jose del Monte, Bulacan ang inaakusahan na nire-require umano ang mga residente na pumirma sa waiver na magpapatunay daw na wala silang reklamo mula sa natanggap na ayuda.

Ito ay kahit pa ang ilang recipients ay kulang daw ang natanggap na ayuda.

Batay umano sa guidelines na inilabas ng ahensya, hindi na kailangan pang magkaroon ng waiver na magsisilbing patunay na natanggap ng mga benepisyaryo ang tulong-pinansyal mula sa pamahalaan.

Sa kasalukuyan ay bineberipika pa raw ng DILG ang naturang ulat at kung sakaling mapatunayang totoo ay hihingian nila ng paliwanag ang mg opisyal na nasa likod nito.

Ang mga low-income individuals ay nakatanggap ng P1,000 ayuda ngunit ang maximum amount na maaaring matanggap ng isang pamilya ay P4,000.