-- Advertisements --

Ibinunyag ni Sen. Imee Marcos na hinaharang ng Department of Health (DoH) at National Task Force (NTF) ang malahiganteng mga kompaniya sa bansa sa pagbili ng Covid-19 vaccines.

Hawak ni Marcos ang balangkas ng administrative order na nakatakdang ipasa at palagdaan kay Pangulong Rodrigo Duterte na haharang sa malalaking mga manufacturer ng tabako, gatas, asukal, soft drinks at mga alak, gayundin ang mga multinational company na nakabase sa Pilipinas na makatutulong sana sa vacccination program ng pamahalaan.

“Tinutukoy dito ang malahiganteng kumpanya na tulad ng San Miguel group, buong Lucio Tan group, Puregod, Nestle, Destileria Limtuaco, lahat ng softrinks producers, Tanduay, Ginebra, White Castle at iba pa,” ayon kay Marcos.

“Kapag di makabili ng mga bakuna itong mga malahiganteng kumpanyang ito, na 50 percent ido-donate sa publiko dahil walang pera ang gubyerno, paano pa tayo makakadagdag ng bakuna?,” dagdag pa ni Marcos.

Paliwanag ni Marcos, na pinuno ng Senate Committee on Economic Affairs, hindi lang pabagagalin ng nasabing administrative order ang target na mabakunahan ang 70% ng mga Pilipino para sa taong ito, kundi mababawasan rin nito ang kakayahan ng gobyerno na magkaroon ng kakailanganing pondo para sa national vaccination program ng pamahalaan.

“Masasaksihan natin kung paano mawawala lahat ang 50-porsyentong donasyong mga bakuna ng nasabing malalaking kumpanya, donasyong nakamit sa bawat “tripartite agreement” o kasunduan sa pagitan ng mga pribadong kumpanya, vaccine manufacturer at ng gobyerno,” panghihinayang ni Marcos.

“Ang mga kumpanyang ito ang may pinakamalalaking ambag sa kaban ng gobyerno sa pamamagitan ng excise taxes. Parang kabalintunaan ata ang administrative order na ito na itinaon sa panahong tumataas ang mga kaso ng Covid-19 at ilang linggo na lang mula sa deadline ng pagbabayad ng buwis sa Abril,” dagdag ni Marcos.

Nakasaad sa Section 5 ng nasabing administrative order na dapat munang masiyasat ng NTF at DOH ang lahat ng kahilingan ng mga pribadong kumpanya sa pagbili ng bakuna “para masiguro na ang mga pribadong kumpanyang ito na magiging parte ng kasunduan ay walang kaugnayan sa kahit anong industriya ng tobacco, mga produktong saklaw sa ilalim ng EO 51 series of 1986 o ang “National Code of Marketing of Breastmilk Substitutes, Breastmilk Supplement and Other Related Products” o anumang produkto na masama sa kalusugan ng publiko.”

Tinukoy ni Marcos ang iniulat ng ilang Chinese newspaper na naka-base sa Binondo na hindi inaprubahan ni NTF chief Carlito Galvez Jr. ang hiling na makapag-import ng bakuna ang ilang miyembro ng tatlong pinakamalaking Filipino-Chinese chambers of commerce.

Ang nasabing ulat ay kasang-ayon sa isinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa kanyang Twitter na hinaharangang makapag-import ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FCCCII) ng 500,000 doses ng bakunang mula sa China na Sinovac kahit may kasunduan na.

“Ang nasabing administrative order ay salungat sa sinasabing “shared responsibility” at hini-hinging pakikipag-tulungan ng gobyerno mula sa pribadong sektor at iba pang mga organisasyon sa ilalim ng Philippine National Deployment and Vaccination Plan for Covid-19,” giit ni Marcos.