-- Advertisements --

Inihayag ni VP Sara Duterte na wala pa siyang nabubuong Senate slate para sa 2028 elections, bagamat may ilang personalidad na umano ang nagpahayag ng interes na makasama siya sakaling tumakbo siya bilang pangulo.

Sinabi ng Bise Presidente na wala pang pinal na listahan ng mga kandidato para sa Senado. Aniya, nananatili pa lamang sa usapan ang posibleng pagsasama-sama ng ilang interesadong indibidwal.

Tumanggi rin si VP Duterte na pangalanan ang mga ito, dahil sa umano’y “mainit” na sitwasyon sa pulitika. Ayon sa kanya, may mga kaibigan at lumalapit sa kanya na nakararanas ng pagbabanta, harassment, at pagsasampa ng kaso.

Dagdag pa niya, itinuturing pa lamang silang mga “presumptive candidates” dahil hindi pa aniya nagsisimula ang filing ng certificates of candidacy.

Samantala, inamin din ni VP Duterte na wala pa siyang napipiling running mate sa pagka-bise presidente. Aniya, iaanunsyo lamang ito kapag may kandidatong handa nang kumpirmahin ang kanyang pagtakbo.

Nauna nang inanunsyo ng Bise Presidente ang kanyang planong tumakbo bilang pangulo sa 2028 noong Pebrero ngayong taon. (report by Bombo Jai)