
Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na humiling ng P125 million confidential funds para sa Office of the Vice President noong nakalipas na taon.
Ito ang naging tugon ng ikalawang pangulo sa katanungan ni Senate Minority Aquilino “Koko” Pimentel sa isinagawang pagdinig sa Senate committee on finance kaugnay sa panukalang pondo ng OVP para sa susunod na taon na P2.3 billion kabilang dito ang malaking halaga ng confidential at intelligence funds na nagkakahalaga ng P500 million.
Parte umano ang P125M confidential fund noong 2022 ng P221.4M pondo na inilipat ng Department of Budget and Management sa Office of the President noong Disyembre 2022.
Nag-request aniya ang OVP noong Agosto 2022 sa OP at naibigay ang confidential fund noon lamang Disyembre 2022.
Subalit kinuwestyon ni Senator Pimentel ang confidential fund ng OVP dahil hindi ito nagi-exist sa 2022 budget ng OVP.
Itinuro naman ni VP Sara ang DBM na makapagbibigay aniya ng tamang kasagutan sa katanungan ng mambabatas dahil ang DBM ang naglipat ng pondo mula sa kanilang source papunta sa OVP.
Iginiit din ng Bise Presidente na sumunod sila sa reportorial requirements ng paggamit ng pondo bilang confidential funds.
Matatandaan na una ng nabunyag sa annual report ng Commission on Audit noong nakalipas na taon na mayroong P125M confidential funds ang OVP noong 2022.
Naniniwala naman si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro na iligal na re-allign ang pondo dahil ang OVP budget noong nakalipas na taon na nabalangkas noon sa ilalim ng termino ni dating VP Leni Robredo ay hindi kabilang ang confidential fund.
Sa katunayan, sa buong 6 na taong panunungkulan ni dating VP Leni hindi ito kailanman humingi o isinama ang confidential funds sa pondo ng OVP.










