Humiling si Vice President Sara Duterte sa Korte Suprema na pansamantalang ipatigil ang nagpapatuloy na impeachment proceedings laban sa kanya sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa isang 58-pahinang petisyon, hiniling ng Pangalawang Pangulo ang pag-isyu ng temporary restraining order (TRO) upang ihinto ang pagdinig ng House justice committee. Iginiit niya na ang proseso ay labag sa Konstitusyon at dapat ideklarang ‘walang bisa.
Ayon sa Bise Presidente, lumalampas umano sa kapangyarihan ang komite ng Kamara dahil mistulang nagsasagawa na ito ng “mini-trial,” gayong ang Senado lamang aniya ang may mandatong magsagawa ng paglilitis sa mga kasong impeachment.
Iginiit din niya na hindi siya nabigyan ng sapat na due process upang maipagtanggol ang sarili.
Kabilang sa mga paratang laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi tamang pagdedeklara ng mga ari-arian, pang-aabuso sa kapangyarihan, at pagbabanta umano kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunpaman, sinabi ng Bise Presidente na ang mga ito ay nakabatay lamang sa mga haka-haka at hindi sapat upang maituring na impeachable offenses.
Kwestiyonable rin umano ang naging proseso ng impeachment, kabilang ang umano’y paglabag sa one-year bar rule at kakulangan ng wastong pagsunod sa mga patakaran ng Kamara.
Samantala, pinabulaanan naman ng ilang mambabatas ang mga alegasyon ni Duterte. Ayon sa kanila, dumaan sa tamang proseso ang pag-refer ng impeachment complaints at naaayon ito sa Konstitusyon at umiiral na mga panuntunan.
Iginiit din ng mga ito na mahalaga ang mga pagdinig upang makakalap ng ebidensya at matukoy kung dapat umusad ang kaso. Inaasahan din ang paglalabas ng karagdagang dokumento at testimonya ng mga testigo sa mga susunod na araw.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ang desisyon ng Mataas na Hukuman kung pagbibigyan ang kahilingan ni Duterte na ipatigil ang impeachment proceedings o pahihintulutan itong magpatuloy.
















