Nanatiling walang kumpirmasyon ang kampo ni VP Sara Duterte kung dadalo siya sa nakatakdang impeachment hearing bukas, ayon sa House Committee on Justice.
Sinabi ni committee chair Gerville Luistro na wala silang natatanggap na abiso mula sa kampo ng Bise Presidente, ngunit umaasa silang haharap ito upang sagutin ang mga paratang tulad ng confidential funds, umano’y pagbabanta sa Pangulo, at alegasyon ng unexplained wealth.
Giit ng komite, bahagi ng draft rules na tanging mga miyembro ng komite, complainants, respondent, at witnesses lamang ang direktang makikibahagi sa pagdinig, habang limitado ang papel ng mga abogado.
Babala rin ng komite na kung hindi dadalo si Duterte, maaaring maulit ang senaryo noong sufficiency in grounds deliberations kung saan posibleng maapektuhan ang kanyang depensa dahil hindi niya masasagot ang mga alegasyon nang direkta.
Gayunman, tiniyak ng komite na patuloy siyang iimbitahan sa mga susunod na hearing sa Abril. (Report by Bombo Jai)
















