-- Advertisements --

Nagpaabot din ng taos-pusong pasasalamat si VP Sara Duterte sa pamahalaan ng Qatar, Egypt at Iran para sa kanilang pagtulong sa paglaya ng Pinoy na si Jimmy Pacheco kasama ang iba pang mga bihag ng militanteng Hamas nitong weekend.

Sa isang statement, sinabi ni VP Sara na maituturing na tagumpay din ng Marcos administration sa pangunguna ng Department of Foreign Affairs partikular na ng mga kawani ng embahada ng Pilipinas sa Israel ang kaligtasan at pagpapalaya kay Pacheco.

Umaasa din ang Bise Presidente para sa kaligtasan ng isang Pinay na si Noralyn Babadilla na pinaniniwalang binihag ng Hamas ng i-ambush ng mga ito ang katimugang bahagi ng Israel noong Oktubre 7. Gayundin ang paghahangad para sa pagtatagumpay ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Israel at Hamas.

Sa ngayon, nakatakda pa lamang maglabas ang DFA ng impormasyon para sa repatriation ni Pacheco habang nagpapatuloy naman ang repatriation efforts ng pamahalaan sa mga OFWs sa Israel, Gaza at Lebanon na apektado ng mahigit isang buwan na giiyera sa pagitan ng Israel at Hamas na kumitil na sa 1,200 katao sa Israel at halos 15,000 naman sa Gaza.