Tinanggap raw ni Vice President Leni Robredo ang imbitasyon ng Malacañang na dumalo siya sa gagawing dry run ng Department of Education (DepEd) sa adjustments na kaakibat ng pagbubukas ng klase sa gitna ng COVID-19.
Ayon kay VP Leni, nakatakda siyang dumalo sa dry run ng blended learning na isinulong ng DepEd, sa August 10.
Noong nakaraang buwan, nakadalo na raw sa hiwalay na dry run ng naturang educational system adjustment ang bise sa Navotas.
“Okay naman iyong dry-run, pero iyong pinakapunto, iyong parati nating ine-emphasize na hindi lahat na lugar pare-pareho iyong capacities, hindi lahat na lugar pare-pareho iyong capabilities. Halimbawa iyong Navotas sobrang husay. Pero paano iyong mga pinakamaliliit sa pinakamalalayong lugar?,” ani Robredo sa kanyang weekly radio program.
Kung maaalala, ilang beses nanawagan ang bise presidente sa pamahalaan na huwag ituloy ang pagbubukas ng klase sa August 24 kung hindi pa talaga ang buong education sector.
Hinimok din ng pangalawang pangulo ang gobyerno na kung sakaling itutuloy ang klase, ay magtayo ng internet hubs sa kada barangay para matiyak na may pupuntahan ang mga estudyanteng walang gadget o internet connection.
“Sa akin, okay naman na mag-simulate sa magaganda, pero ang purpose noon para gayahin ng iba. Pero kung ang purpose nagsa-simulate ng magaganda para ipakita na okay tayo lahat, hindi iyon tama.”
Sa isang public briefing, hayagang inimbitahan ni Presidential spokesperso Harry Roque si Robredo na dumalo sa dry run ng DepEd.
Dagdag na tugon naman ng pangalawang pangulo, dapat bago magbukas ang klase sa August 24 ay magawa rin ang dry run sa iba pang bahagi ng bansa.










