Hinimok ni Sen. Panfilo Lacson ang gobyerno na ikonsidera ang pakikipag-usap sa mga mangingisdang Vietnamese na sinasabing tumulong sa mga Pilipinong sakay ng bangkang binangga umano ng Chinese vessel kamakailan sa Recto Bank, bahagi ng West Philippine Sea.
Ayon kay Lacson, maituturing na “disinterested” party ang Vietnam sa issue kaya tiyak na magbabahagi ito ng salaysay base sa naging papel nila sa insidente.
Wala raw kasing crew ng Chinese fishing vessel ang nagsalita kasunod ng nangyari kaya panig ng mga Pilipinong mangingisda lang ang pinagbabasehan ngayon ng mga pahayag.
“If we were to conduct a thorough investigation kailangan talaga lahat ng posibleng nakapagbigay ng tunay na nangyari, talagang dapat makausap natin (yung Vietnames crew),” ani Lacson.
“Ang narinig lang naman natin yung pahayag ng mga (Filipino) fishermen as against sa pahayag ng spokesperson ng foreign ministry ng China. Hindi nga natin narinig yung pahayag ng Chinese vessel.”
“Kung napansin niyo naglabas sila ng unang kalatas (tapos) nung nakita nilang mali yung script, pinalitan nila. Lalong nakakaduda ‘yon.”
Nauna ng naglabas ng statement ang may-ari ng Vietnamese boat kung saan kinumpirma nito ang pagtulong ng kanyang mangingisda sa mga Pilipinong sakay ng lumubog na bangka.
Ayon kay Ngo Van Theng, nagising ang crew ng kanyang bangka nang marinig ang boses ng mga Pilipinong humihingi ng saklolo.
Nakasuot daw ang mga ito ng life jacket at nakakapit sa piraso ng kahoy mula sa lumubog na bangka.
Matapos nito’y inahon at pinakain ang mga ito bago pinahiram ng radyo para makahingi ng tulong sa mga kasama sa bahagi ng West Philippine Sea.
“After working as a fisherman for many years, this is the first time that my family’s ship has rescued another vessel, especially a foreign ship. I believe that anyone who heads out to sea would have done the same thing, not just us,” ayon kay Theng.










