Inatasan ni House Speaker Lord Allan Velasco ang House Committee on Agriculture na tutukan ang paghahanap ng long-term solution upang sa gayon hindi na maulit pa ang pagkamatay ng maraming tao at iba pang epekto naman sa ekonomiya ng mga kalamidad sa hinaharap.
Ginawa ito ni Velasco isang araw bago ang nakatakdang pagsisimula ng imbestigasyon ng Kamara hinggil sa naging sanhi nang malawak na pagbahay sa ilang lugar sa Cagayan at Isabela bunsod ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Sinabi ni Velasco na ang layunin ng imbestigasyon ng komite na makabuo ng malinaw na larawan sa kung bakit nangyari ang naturang pagbaha, at makagawa ng tamang aksyon o hakbang, at hindi basta magsisihan.
Bukod dito, hangad din aniya ng imbestigasyon na makahanap ng paraan para mapabuti ang mga protocols bago pa man tumama ang isang kalamidad.
“There will be more typhoons that will come our way, and we have to become better at preparations and in handling situations that call for sound judgement to prevent deaths and loss of properties from happening,” ani Velasco.
Si Velasco, kasama sina Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Paduano, ay ang siyang nagpatawag ng imbestigasyon sa pagbaha sa Cagayan sa pamamagitan ng House Resolution No. 1348.










