-- Advertisements --

Sinisi ni Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin ang nakaraang administrasyon na hindi nagawang pigilan ang pagkalat ng mga pekeng balita kaugnay sa efficacy ng bakuna.

Aminado ang kongresista na malaki ang naging epekto ng vaccine hesitancy sa pagkakaroon ngayon ng pertussis outbreak sa bansa.

Sa isang panayam sinabi ni Garin na dating Health secretary, kung umaksyon lamang aniya ang dating kalihim ng Deparment of Health para pigilan ang pagkalat ng maling impormasyon laban sa pagbabakuna ay napigilan sana ang outbreak ng pertussis.

Sinabi ni Garin, isang preventable disease ang pertussis dahil may available naman na bakuna.

Paliwanag pa ng Doctor solon dahil hindi natugunan ang takot sa pagbabakuna ay nauwi ito sa pagkalito ng publiko kung magtitiwala ba sa bakuna o hindi.

Dahil dito ang resulta nagkaroon ng polio at measle outbreak sa bansa.

Babala pa ng Iloilo solon, kung hindi mapapataas ang vaccination rate para naman sa hepatitis B ay hindi malayo na magkaroon ng liver cancer outbreak pagdating ng 2042.

Ipinunto ng mambabatas na mahalaga magkaroon ngayon ng vaccine catch up upang kahit matamaan ang isang indibidwal ng pertussis ay hindi ito mauuwi sa pagkamatay.

Paalala naman ng mambabatas na dapat gawing accessible ang bakuna kontra pertussis sa publiko.

Sa ngayon nasa ilalim na ng state of calamity ang Iloilo City at Cavite dahil sa pertussis outbreak.