Dumadami na raw ang bilang ng mga health care workers sa bansa ang nais magpabakuna laban sa coronavirus.
Sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na unit-unti na umanong nagiging kumpyansa ang mga health frontliners na magpabakuna noong simulan ng pamahalaan ang vaccination rollout ngayong buwan.
Mas marami na aniyang health workers ang nagpapalista para maturukan ng bakuna base sa recent reports mula sa mga ospital.
Batid daw ng kalihim na noong una ay maraming medical frontliners ang may agam-agam na magpabakuna dahil sa safety at efficacy issues ng mga COVID-19 vaccines.
Sa kabila nito ay unti-unti na raw nakikita ang pagbaba ng vaccine hesitancy dahil mas maraming ospital na ang nagri-request ng vaccine supplies para ipamahagi sa kanilang mga empleyado.
Unang natanggap ng Pilipinas noong Pebrero 28 ang 600,000 doses ng Sinovac vaccines na donasyon mula China.
Sinundan naman ito ng 500,000 doses ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX facility.
Sa kasalukuyan, aabot na umano ng 35,000 health care frontliners ang naturukan ng libreng bakuna sa ilalim ng vaccination program ng pamahalaan.