-- Advertisements --

Kinumpirma ng Malacañang na kumambyo at nagbago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte sa una nitong utos na pagsuspinde sa pag-angkat ng bigas matapos nitong makausap sina Agriculture Sec. William Dar at Executive Secretary Salvador Medialdea.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, maaaring napaliwanagan nang maayos si Pangulong Duterte sa isyu ng rice importation na nasa ilalim ng Rice Tarrification Law.

Ayon kay Sec. Panelo, batay sa pinakahuling direktiba ni Pangulong Duterte, tuloy ang importasyon ng bigas kahit pa panahon ng anihan pero sa mas istrikto o mahigpit ang patakaran.

Tiniyak naman ni Sec. Panelo na hindi ito magiging dahilan para malugi ang mga lokal na magsasaka dahil kaakibat nito ay ang direktiba rin ni Pangulong Duterte na bilhin ang ani ng mga magsasaka sa mas mataas na presyo o halagang hindi sila malulugi.

Malinaw aniya ang utos ni Pangulong Duterte na hindi na baleng gobyerno ang malugi, basta matulungan lamang na makabawi sa kita ang mga magsasaka.