Lumobo pa ang kabuuang utang ng gobyerno ng Pilipinas sa ₱18.55 trilyon sa katapusan ng Mayo 2026, ayon sa pinakahuling ulat ng Bureau of the Treasury (BTr).
Umakyat ito ng 0.41% o dagdag na ₱76.1 bilyon kumpara sa ₱18.47 trilyon na naitala noong katapusan ng Abril 2026.
Ang pangunahing dahilan ng paglobo ng utang ay bunsod ng mas agresibong pagsasagawa ng domestic borrowings o pag-isyu ng mga government securities upang pondohan ang mga programa ng estado sa kabila ng pabago-bagong galaw ng merkado dulot ng tensyon sa Middle East.
Karamihan ng utang ng bansa o humigit-kumulang 68% hanggang 70% ay domestic o galing sa loob ng bansa gaya ng mga lokal na bangko at mamumuhunan, habang ang natitira ay external o utang sa ibang bansa.
Bagamat patuloy na tumataas ang utang at inaasahang lalampas sa ₱19 trilyon sa katapusan ng 2026, naninindigan ang BTr na kaya itong bayaran o manageable dahil sa paglago ng ekonomiya.















