-- Advertisements --

Kinumpirma ng Swiss Foreign Ministry na ipinagpaliban ang nakaplanong pag-uusap sa pagitan ng Estados Unidos at Iran ngayong Biyernes, Hunyo 19, sa mountain resort ng Bürgenstock sa Switzerland.

Sa isang opisyal na pahayag, binigyang-diin ng ministry na nananatiling handa ang Switzerland na magsilbing tagapamagitan sa diyalogo ng dalawang bansa.

Bagamat walang ibinigay na bagong petsa kung kailan ito itutuloy, patuloy pa rin ang mga paghahanda sa Bürgenstock.

Nitong Huwebes, nauna nang inihayag ng White House na hindi na bibiyahe si US Vice President JD Vance patungong Switzerland dahil hindi pa pinal ang mga plano para sa naturang diyalogo.

Sa kasalukuyan, mayroong 60 araw ang US at Iran upang isapinal ang kasunduan na naglalayong wakasan ang digmaan.

Ayon sa ilang ulat, abala ngayon ang magkabilang panig sa pagbuo ng mga “secret proposal” para sa pagpapatupad ng 14 points deal na nilagdaan ngayong linggo, kabilang ang mga detalye kung paano tutugunan ang kinabukasan ng nuclear program ng Iran.