-- Advertisements --

Ibinunyag ng US ang umano’y palihim na pagbuo ng China ng ‘anti-access’ at ‘area denial’ capability sa militar nito.

Ayon kay US Army Pacific Commanding General Ronald Clark, binubuo ito ng Chinese military para sa air at maritime domain ng naturang bansa.

Ang anti-access capability ay isang kapabilidad kung saan pinipigilan ang isang military force na pumasok sa isang lugar habang ang ‘area denial’ capability ay nagbibigay-limitasyon sa galaw ng isang military force sa loob ng isang pinasok na lugar.

Giit ni Clark, bumubuo na ang China ng mga military technology, capability, at mga military procedure sa bilis na hindi pa nasasaksihan sa mga nakalipas na taon.

Ang tanging hindi na lamang nagagaya ng China aniya ay ang multidomain operations mula sa kalupaan. Tinutukoy ng heneral ang kakayahan ng US Army na makapag-operate ng sabayan mula sa kalupaan, kalawakan at cyberspace.

Iginiit ng heneral na lalo pang tumindi ang agresyon ng China laban sa US at mga kaalyado nitong bansa, kaya’t mahalaga aniyang lawakan din ng US ang mga serye ng military exercises nito, lalo na sa Indo-Pacific Region.