Pinawi ng Philippine Army (PA) ang pangamba ng publiko kaugnay sa mobilization ng mga Amerikano at Pilipinong sundalo patungo sa hilagang Luzon.
Ayon kay Army spokesperson Col. Louie Dema-ala, walang dapat ikabahala kung makakakita ng mga military truck dahil ito ay parte ng bilateral large-scale logistics training sa pagitan ng mga sundalo ng Pilipinas at Amerika.
Ito ay bilang bahagi ng Exercise Salaknib Phase 2 kayat wala aniya itong banta sa publiko.
Nakatakda aniyang isagawa ng Philippine Army kasama ang US Army Pacific ang pagsasanay sa araw ng Lunes, Hunyo 16 hanggang Miyerkules, Hunyo 18 na layuning mapahusay pa ang operational mobility, interoperability at kahandaan sa pagitan ng dalawang pwersa.
Kalahok sa pagsasanay ang 1,200 na tropa ng Pilipinas at Amerika mula sa 5th Infantry Division ng PA at 25th Infantry Division ng US Army.
Ayon kay Col. Dema-ala, bi-biyahe ang mga kalahok na sundalo lulan ng military vehicles mula Fort Magsaysay sa Nueva Ecija patungong Camp Melchor Dela Cruz sa Isabela na dadaan sa iba’t ibang bayan sa gitna at hilagang Luzon.
Pinayuhan naman ng PA spokesperson ang komunidad na maging maingat sa pagmamaneho malapit sa mga sasakyan ng militar at maging aware sa presensiya ng convoy na madadaanan sa mga kalsada.