Umaasa ngayon ang United States congressional delegation na titignan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga alegasyon ng umano’y paglabag sa human rights ng administrasyong Duterte.
Ipinahayag ito ng nasabing delegation matapos ang kanilang pakikipagpulong kamakailan lang kasama si Marcos Jr. upang talakayin ang ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.
Binanggit ni Massachusetts Senator Ed Markey sa isang statement na sinabi niya sa pangulo na umaasa siyang hindi nito palalagpasin at bibigyang pansin din ang usapin pagdating sa mga naging pag-abuso umano ng nakaraang administrasyon sa karapatang pantao.
“I expressed to President Marcos my hope that he will turn the page on the human rights abuses of the previous government,” ani Markey.
Habang sinabi naman ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na posibleng sa darating na Lunes, Agosto 22 pa maglabas ng tugon ang pamahalaan ukol sa usapin na ito.
Samantala, ibinahagi naman ng foreign senator na bukod dito ay tinalakay din nila ang iba’t-ibang paraan ng kanilang pagsuporta sa Pilipinas hinggil sa plano ng pamahalaan na muling pagbuhay sa paggamit ng renewable energy, gayundin sa iba pang mga usapin partikular na sa pagtugon sa climate crisis.










