Matapos ang dalawang araw ng negosasyon sa London, inanunsyo ni US President Donald Trump na may napagkasunduan ng “deal” ang Estados Unidos at China upang pahupain ang tensyon sa tariff ng dalawang bansa.
Ayon kay Trump, pumayag ang China na muli silang magsu-supply ng magnets at rare earth metals sa US, habang binawi naman ang Amerika ang bantang nagbabawal ng visa para sa mga estudyanteng Chinese.
Sinabi ni Trump na ang kasunduan ay “done, subject to final approval” mula sa kanya at ni Chinese President Xi Jinping. Gayunpaman, limitado pa ang mga detalye sa kasunduan, na bahagi lamang ng mas malawak na truce na unang inilatag noong Mayo.
Ayon sa mga opisyal ng US at China, nakabuo sila ng framework para ipatupad ang mga napagkasunduan sa Geneva at sa naging usapan sa telepono nina Trump at Xi noong Hunyo 5, 2025.
Samantala, inanunsyo rin ni Trump na maglalabas siya ng mga bagong tariff terms sa loob ng isa hanggang dalawang linggo, bago ang July 9 deadline. Ayon naman kay US Treasury Secretary Scott Bessent, posibleng palawigin pa ang suspension ng iba pang taripa habang nagpapatuloy ang mga pag-uusap sa ibang bansa.
Magugunita na ang usapin ay nag-ugat sa reklamo ng Amerika na masyadong mabagal ang China sa paglalabas ng rare earth exports, habang tinuligsa naman ng Beijing ang paghihigpit ng Estados Unidos sa pagpasok ng teknolohiya gaya ng AI at semiconductors.
Bagamat positibo ang tono ng magkabilang panig, nilinaw ng mga eksperto na hindi pa rin ito ganap na trade agreement ayon kay Terry Haines ng Pangaea Policy.