Mga mosyon at opening statements muna ang tatalakayin sa unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6, ayon kay House prosecutor Rep. Joel Chua.
Sinabi ni Chua na sa ikalawang araw pa inaasahang sisimulan ang presentasyon ng mga ebidensya at mga testigo matapos maresolba ang mga isyung pang-proseso.
Kabilang sa mga nakabinbing mosyon ang pagpayag sa sabayang paglahok ng public at private prosecutors at ang pagbubukas ng selyadong kahon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na naglalaman umano ng tax records ni Duterte at ng kanyang asawa. Kung maalala pumayag ang depensa na buksan ito kung isasagawa sa executive session.
Ayon kay Chua, humaba rin ang pre-trial conference dahil iginiit ng depensa na hiwa-hiwalay na markahan ang mahigit 4,000 dokumentong gagamiting ebidensya.
Nakatakdang magsimula ang impeachment trial sa Hulyo 6 at inaasahang tatagal ng humigit-kumulang tatlong buwan.














