-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police na patuloy itong nagpapatupad ng seguridad at kaligtasan buong bansa sa gitna ng nagpapatuloy na transport strike na ikinasa ng ilang grupo ng tsuper at operator sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay PNP Public Information Office chief PCol. Jean Fajardo, aabot sa kabuuang 18,564 na kapulisan ang ipinakalat ng Pambansang Pulisya sa buong bansa para magpatupad ng seguridad sa kasagsagan ng nasabing kilos-protesta.

Mula sa naturang bilang, nasa 13,000 na mga pulis ang idineploy sa National Capital Region, habang ang natitira naman ay ipinakalat sa mga lalawigan ng Calabarzon, at Western Visayas.

Samantala, bukod dito ay iniulat din ni PCol. Fajardo na nagpakalat din ng mahigit 400 mga assets para umalalay sa mga pasaherong maaapektuhan ng naturang tigil-pasada.

Gayunpaman, sa kabila nito ay iniulat ng opisyal na nananatiling relatively peaceful ang kabuuang sitwasyon at minimal lamang din aniya ang epektong idinulot nito sa transportasyon lalo na’t bukod sa PNP ay nagpakalat din ng mga transport buses ang Metropolitan Manila Development Authority, at maging ang mga local government unit.

Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ni PCol. Fajardo na tuluy-tuloy ang ginagawang koordinasyon ng Pambansang Pulisya sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan at maging sa mga nakiisang raliyista para sa layuning mapanatiling mapayapa ang sitwasyon sa buong bansa.

Hanggang bukas, Disyembre 15, 2023, ay mananatili ang ipinapatupad na security coverage ng kapulisan hindi lamang para umalalay sa mga maaapektuhang mga motorista kundi pati na rin sa pagbibigay seguridad sa mga raliyistang nakiisia sa naturang kilos-protesta.