Iniulat ng Department of Education (DepEd) na naging maayos at walang major at untoward incident ang naitala sa unang dalawang linggo ng balik-eskwela sa bansa.
Ipinahayag ito ni DepEd Spokesperson, Atty. Michael Poa sa ginanap ng joint press conference ng DepEd at Office of the Vice President ngayong araw.
Ayon kay Poa, batay sa kanilang general assessment ay maganda ang naging feedback ng mga regional offices hinggil sa nagpapatuloy na sitwasyon ng muling pagbubukas ng face-to-face classes sa Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng maraming problemang kasalukuyan pa rin nilang kinakaharap tulad na lamang ng kakulangan sa mga silid-aralan, infrastructure, pasilidad at marami pang iba na tiniyak naman niya tutugunan at susolusyunan ng kagawaran.
Bukod dito ay nabanggit din ni Poa na sa ngayon ay nalagpasan na ng DepEd ang 28 million target na enrolled learners dahil umabot na aniya ang bilang ng mga ito sa 29.4 million na mga mag-aaral ang nakapag-enrol ngayong pasukan.