-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kasabay ng pagtanggap ni Vice Pres. Leni Robredo sa kanyang appointment bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), naglatag na rin ng kanyang panawagan ang isa sa mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate na malaki ang pangangailangan na maimbestigahan ang umano’y madugong kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan sa nakalipas na mga taon.

Nanawagan din ito para maudyok ang gobyerno na magkaroon ng transparency sa kontrobersyal na kampanya, gayundin na malaman kung paanong nakakalusot pa rin sa bansa ang illegal drugs.

Umaasa si Zarate na sa pamamagitan ni Robredo bilang ICAD official, mabibigyang pagkakataon ang United Nations at iba pang independent agencies para makatulong sa kampanya.

Aminado ang kongresista na bagamat puno ng agam-agam ang ilan sa pagtanggap ni Robredo sa pwesto, iginagalang ng kanilang hanay ang desisyon ng pangalawang pangulo para makatulong ito sa pagsugpo sa iligal na droga sa bansa.