-- Advertisements --

Inakusahan ng United Nations ang Russia na tino-torture at kinukulong nito ang ilang tao sa Silangang bahagi ng Ukraine. 

Hindi rin pinapasok ng Russia sa okupadong bahagi ng Ukraine ang UN Human Rights Monitoring Mission in Ukraine kaya naman nag-base lang ito sa isinagawa nilang remote investigation at in-person interviews sa mahigit 2,300 na saksi at biktima. 

Simula ng maglunsad ng full-scale invasion ang Russia, kontrolado na nito ang malaking bahagi ng Katimogan at Silangan ng Ukraine. 

Ayon sa UN, maraming mga residente ng Ukraine ang namumuhay na sa intimidasyon, represyon, at takot. 

Lumabas din sa imbestigasyon ng naturang ahensiya na mayroong 26 na sibilyan ang pinatay kabilang na ang dalawang bata sa isinagawang house searches. 

Bukod sa arbitrary detention ay laganap din ang biglaang pagkawala ng mga residente. Sa kabuohan, nakapagtala ang UN ng 687 kaso ng arbitrary detention.

Sa kabila nito, itinanggi pa rin ng Russia ang mga paratang na sinasaktan nila ang mga sibilyan.