-- Advertisements --

Naisumite na ng Fuel Crisis Ad Hoc Committee sa opisina ni Speaker Lord Allan Velasco ang kanilang report sa isinagawang pagdinig kamakailan hinggil sa sitwasyon ngayon ng bansa sa harap nang patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Ayon sa source ng Bombo Radyo, Marso 10 nang maisumite sa opisina ni Velasco ang naturang report, na naglalaman ng mgarekomendasyon sa kung anong mga hakbang ang maaring gawin ng pamahalaan para masolusyunan ang sunod-sunod na oil price hikes at ang epekto nito sa mamamayan.

Magugunita na kasama sa mga natalakay sa pagdinig noong Marso 7 ay ang pag-apruba sa House Bill No. 10488, na magbabawas sa excise tax sa mga produktong petrolyo, sa pamamagitan ng mga amiyenda para otomatikong masuspinde ang TRAIN Law excise tax rates kapag lumagpas sa $80 ang preso ng krudo sa world market at ibabalik lamang ang naturang buwis kung ang kada bariles ay makakabalik sa $65.

Natalakay din ang posibilidad na maaprubahan ang House Bill 10505 na mag-aamiyenda sa Downstrem Oil Industry Deregulation Act of 2008 para maisama ang mga probisyon hinggil sa unbundling ng presyo ng langis at ang pagkakaroon ng minimum inventory requirements.

Posible ring maglalaman ang naturang committee report nang kanilang pagkalampag sa Department of Transportation para sa agarang pamamahagi ng P2.5 billion fuel subsidy sa mga driver beneficiaries at P500 million naman mula sa Department of Agriculture para sa mga magsasaka at mangingisda.

Ayon sa source, maaring mapasama sa naturang committee report ang request sa Department of Budget and Management na gamitin ang P4.5 billion sa Contingency Fund ng Pangulo at P3 billion naman mula sa Socio-Civic Projects Fund ng Pagcor para gamiting supplement sa existing na fuel subsidies.

Bukod dito, hihilingin din sa Bureau of Treasury na magamit ang P75.2 billion na excess collection mula sa VAT, atasan ang Department of Energy na aralin ang cost at beneficts ng pagkakaroon ng strategic petroleum reserve, itaas ang minimum wage ng mga nasa private sector at magkaroon ng fare hikes sa mga tricycle.