-- Advertisements --
KAPA JOEL APOLINARIO 2
KAPA founder Pastor Joel Apolinario

KORONADAL CITY – Nais ng ilang mga nabiktimang mga investors ng Kabus Padatoon (KAPA) na tumigil na sa panloloko ang umano’y sekretarya ng founder na si Joel Apolinario kasabay ng panawagang ibalik na ang kanilang ipinuhonang pera.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay alyas Madeline, sinabi nitong dapat tumigil na sa paghihikayat na pumasok sa naturang investment scam si “Lizelle.”

Ayon kay Madeline, nakumbinsi silang mag-invest ng paunang P20,000 sa isinagawang conference sa isang hotel sa Iloilo ngunit hindi nila nakuha ang payout dahil sa samu’t saring mga alibi na ginagawa sa pakakaantala umano ng pagpapalabas ng pera.

Ibinunyag nito na mayroon umano itong opisina sa isang mall sa Iloilo kung saan pinalitan umano ang pangalan nito at patuloy na gumagawa ng paraan upang mag-invest ang mga mabibiktima nito, kung saan may pangako umanong 60 percent ang balik nito kung mag-i-invest ng P50,000.

Samantala hiling nito kay Apolinario na ibalik na nito ang perang kinuha niya mula sa mga mamamayan at managot sa batas.