Pumanaw na si United Arab Emirates (UAE) President Sheikh Khalifa bin Zayed Al Nahyan sa edad 73.
Kinumpirma ito ng Ministry of Presidential Affairs subalit hindi na nagbigay pa ng anumang detalye.
Dahil dito ay nagpatupad sila ng 40-days of mourning kung saan suspendido ang mga trabaho sa ministries, departments, federal at local institutions.
Ilalagay din sa half-mast ang watawat ng bansa bilang pagluluksa habang ang mga pribadong kumpanya ay magpapatupad ng 3-day of mourning.
Taong 2014 ng ma-stroke ito at sumailalim sa operasyon si Sheikh Khalifa kaya ang kapatid nitong si Abu Dhabi crown prince Sheikh Mohammed bin Zayed ay itinalagang de-facto leader ng UAE na humahawak ng mga trabaho sa Gulf state.
Si Sheikh Khalifa rin ang itinalaga bilang ikalawang pangulo ng UAE noong 2004 na humalili sa ama nito na founder ng bansa na si Sheikh Zayed al Nahiyan.
Isinilang noong 1948 sa Eastern region ng Abu Dhabi at siya ang panganay na anak na lalaki ni Sheikh Zayed.
Bago naging pangulo ay naging crown prince ng Abu Dhabi ito at namuno sa Supreme Petroleum Council ng Abu Dhabi na siyang gumagawa ng oil policy.
Bilang pangulo ng bansa ay nanguna ito sa pinakamalaking investment funds sa buong mundo ang Abu Dhabi Investment Authority na humahawak ng bilyong dollar sa assets.