KALIBO, Aklan – Nag-public apology sa pamamagitan ng eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Kalibo ang turistang si Adrian Cotoco ng Quezon City kasunod sa kaniyang viral TikTok video kung saan sinabi nito na may “mini-outbreak” ng COVID-19 sa isla ng Boracay.
Sinabi nito na gusto lamang niya na bigyan ng awareness ang kaniyang mga viewers at iba pang kakilala na hindi sila natuloy sa ilang araw sana na bakasyon sa isla dahil sa nalamang balita mula sa kanilang mga kaibigan na nagpositibo umano sa virus pagkagaling sa bakasyon sa Boracay.
Aminado si Cotoco sa kaniyang kasalanan kung saan ang inilabas na mensahe ay walang opisyal na statement mula sa lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan.
Inako rin nito ang buong responsibilidad sa nagawang pagkakamali na nagdulot ng panic sa iba pang mga turista.
Nauna nang pinutakte ng batikos si Cotoco sa kahihiyan na siya mismo ang gumawa sa kaniyang sarili.
Samantala, kaagad naman nagpalabas ng abiso ang LGU Malay kung saan, sinabi nito na walang katotohanan ang mga nakasaad sa nasabing video.
Sa katunayan, sa pinakahuling datos na ipinalabas ng Malay Health Office, dalawa lamang ang positibong kaso ng COVID-19 sa nasabing bayan as of June 12, 2022.