-- Advertisements --

Kritikal ang tinamo ng tumatakbong presidente sa Colombia na si Miguel Uribe Turbay, 39-anyos, matapos barilin nang tatlong beses sa kalagitnaan ng kanyang pangangampanya sa Bogotá.

Ayon sa mga ulat, nagtamo ng dalawang bala sa ulo at isa sa tuhod si Turbay.

Kaagad namang na-arestado ang isang 15-taong gulang na suspek. Nabatid na ang naturang pamamaril ay naganap habang nagtatalumpati si Turbay sa isang parke.

Lubos naman ang hinagpis ng kanyang may bahay na si Maria Claudia Tarazona, at nanawagan sa publiko ng panalangin para sa mabilis na paggaling ni Turbay.

Samantala, kasalukuyan namang ginagamot sa Santa Fe Clinic si Turbay kung saan nagsasagawa rin ng prayer vigil ang kanyang mga tagasuporta.

Sa ibang banda, mariin namang kinondena ng partido ni Turbay at ng pamahalaan ang insidente at tinawag ang pag-atake bilang pag-supil sa demokrasya ng bansa.

Nagpahayag din ng pagkondena si U.S. Secretary of State Marco Rubio hinggil sa nangyaring insidente.

Mababatid na si Uribe ay mula sa kilalang pamilya sa politika sa Colombia kung saan ang kanyang ina na si Diana Turbay ay kilalang mamahayag na napatay noong 1991 matapos dukutin ng Medellín cartel ni Pablo Escobar.