DAVAO CITY – Isa sa tinitingnan ngayon ng City Health Office Davao na posibleng pinagmulan ng kontaminasyon ng tubig ay ang mga nag leak na tubo na sinabayan din ng sunod-sunod na pag-apaw ng tubig tuwing malalakas ang ulan.
Ito ang sinabi ni City Health Office head Dr. Ashley Lopez, na hindi maiiwasang mahalo ang basura, lupa, at iba pa, lalo na kung may leak sa tubo ng tubig.
Ito umano ang nagdudulot ng amoeba, pagtatae at iba pa, na hindi lamang sa lungsod ng Dabaw kundi maging sa ibang lugar na din.
Kung matatandaan, ipinasara at binawi ng CHO ang lisensya ng dalawang planta ng yelo sa Toril dahil napag-alaman na ang tubig na ginagamit sa paggawa ng yelo ay nakitaan ng bacteria kung saan isa sa mga pinaghihinalaang sanhi ng diarrhea outbreak sa Toril district.
Samantala, pinaalalahanan ng CHO ang publiko na ipagpatuloy ang pagpapakulo ng tubig bago ito inumin at gamitin, ngunit kung kaya naman, bumili muna ng mineral water hanggang hindi pa nakukuha ang resulta ng isinagawang pagsusuri.
Maliban dito, hinimok din ng ahensya ang mga mamamayan na maghugas muna ng kamay bago humawak at maghanda ng pagkain.
Sa pangkalahatan, magkahalong impeksyon ang nangyari sa Toril District – kontaminasyon ng pagkain, tubig at kalinisan.
Sa kasalukuyan, umabot na sa 5 ang natalang namatay sa Diarrhea Outbreak sa Toril kung saad ang nadagdag ay isang 36 anyos na lalaki na ikakasal na sana ngayong August 20.