VIGAN CITY – Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na mabibigyan ng tulong-pinansiyal ang pamilya ng mga namatay at nasugatan sa pananalasa ng Bagyong Ursula sa ilang bahagi ng bansa lalo na sa Visayas.
Ngunit, sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni NDRRMC-Office of Civil Defense spokesman Mark Timbal na kailangan muna nila ng verified report mula sa kanilang mga local counterparts sa mga lugar na labis na naapektuhan at sinalanta ng bagyo hinggil sa kung ilan na ang eksakstong casualty at injured.
Maliban sa tulong-pinansiyal sa mga casualty at injured, aasahan din aniya na nakahanda ang national government sa mga tulong na ibibigay sa mga residenteng pansamantalang naninirahan sa mga evacuation centers na isinailalim sa pre-emptive evacuation.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang monitoring ng mga local disaster units sa mga apektadong lugar upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng nasabing bagyo hanggang sa makabalik ang mga ito sa kanilang normal na pamumuhay.