-- Advertisements --

Tinawag ni Senador Erwin Tulfo “Bogus” at “malaking kasinungalingan” ang mga alegasyon na tumanggap siya ng male-maletang pera mula kay dating Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co, matapos siyang pangalanan ng isa sa mga nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ng Cayetano bloc hinggil sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Tulfo, hindi umano magkatugma ang mga pahayag ni Bernard Gumban, isa sa mga nagpakilalang 18 dating sundalo.

“Sa sobrang daming kasinungalingan, siya mismo ay litong-lito,” ani Tulfo.

Tinukoy pa ng senador ang umano’y mga pagkakaiba sa salaysay ng testigo, kabilang na ang bilang ng mga maletang dinala at ang halaga ng perang sinasabing laman nito.

Punta ng mambabatas na siya ay may mga personalidad na nabanggit sa orihinal na affidavit nito ngunit hindi na umano lumitaw sa kanilang testimonya kahapon.

“Ito ba ang sinasabi nilang impartial investigation? Kapag kaalyado ligtas ka, kapag tagapagtuligsa, delikado ka?” dagdag niya.

Sinabi rin ni Tulfo na nakikita niya ang isyu bilang isang planadong kampanya upang sirain ang kanyang pangalan at reputasyon.

“Hindi na ito isang simpleng imbestigasyon, ito ay isang malinaw at planadong propaganda laban sa aking pagkatao at reputasyon,” aniya.

Ang naturang pagdinig ay isinagawa sa ilalim ng grupong pinamumunuan ni Senate President Alan Peter Cayetano, habang ang kampo nina Tulfo at Senate President Pro-Tempore Sherwin Gatchalian ay may hiwalay ding pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa gitna ng umiiral na sigalot sa liderato ng Senado.

Nauna nang inanunsyo ni Tulfo na ililipat niya sa Hunyo 8 ang susunod na pagdinig ng komite na kanyang pinamumunuan. Gayunpaman, natuloy pa rin ang pagdinig ng kampo ni Cayetano matapos magkaroon ng tensyon at komprontasyon sa Senado na kinasangkutan nina Interior Secretary Jonvic Remulla, Senadora Pia Cayetano, at Senador Robin Padilla.