-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Senador Erwin Tulfo ang hindi pagbanggit sa mga pangalan nina Senadora Loren Legarda at Senador Mark Villar sa testimonya ng 18 dating miyembro ng Philippine Marines sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y flood control anomalies.

Ayon kay Tulfo na sa mga naunang affidavit ng mga ex-Marines ay kasama umanong pinangalanan sina Legarda at Villar, ngunit hindi ito nabanggit sa aktuwal na pagdinig.

Ani Tulfo, tanging sila ni Senador Vicente “Tito” Sotto III ang binanggit ng mga testigo kaugnay ng alegasyon na umano’y pagtanggap ng maleta ng pera. Mariing itinanggi ng dalawang senador ang naturang paratang.

Kinuwestiyon din ng senador ang naging pagdinig ng hiwalay na Blue Ribbon panel na pinamumunuan ni Senador Pia Cayetano, at tinawag itong “one-sided.”

Dagdag pa niya, ipapatawag niya muli ang mga ex-Marines sa kanyang komite sa darating na Lunes, Hunyo 8, 2026, upang muling tanungin ang mga hindi umano naipaliwanag sa naunang pagdinig.

“Kailangan po kasi baka kami, sabihin ng tao, kaya nagtatago tayo, kinatatakutan natin,” ani Tulfo, sabay diin na tatanungin niya ang dahilan kung bakit hindi naitanong ang ilang detalye sa naunang pagdinig.

Giit pa niya, nais niyang ipaliwanag kung bakit hindi naulit sa testimonya ang mga pangalan nina Legarda at Villar, gayong lumabas umano ang mga ito sa unang affidavit ng dating mga sundalo.

Samantala, patuloy na hinihingan namin ng pahayag sina Sen. Legarda at Villar kaugnay ng isyu.