-- Advertisements --

Hinimok ni Liberal Party (LP) president at Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang pamahalaang Pilipinas na tularan ang paninindigan ng Indonesia at Vietnam, laban sa pagpasok ng Chinese vessel sa kanilang inaaking bahagi ng karagatan.

Ayon kay Pangilinan, kailangan ding magpakita ng matibay na pagtutol ang ating bansa laban sa presensiya ng mga barkong pangisda at iba pang maritime assets ng China sa West Philippine Sea.

Giit nito, hindi na sapat ang diplomatic protest lamang, lalo’t hindi naman ito sinusunod ng higanteng bansa.

Sinuportahan din ng opisyal ang panawagan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa China na alisin ang kanilang mga barko sa nasabing lugar dahil wala na silang dahilan para manatili roon.

Nabatid na maliban sa paghahain ng protesta ng Vietnam at Indonesia, pinalakas din ng mga ito ang relasyon nito sa Japan at iba pang mga kaalyado upang mapalakas ang kanilang presensiya sa pinag-aagawang teritor­yo.