-- Advertisements --

Inabsuwelto ng Sandiganbayan ang konsehal ng Tuguegarao City, Cagayan mula sa kaso nitong may kinalaman sa maanomalya umanong paggamit ng cash advance na P400,000.

Batay sa resolusyon ng 7th Divison, sinabi ng anti-graft court na bigo ang prosekusyon na idiin sa kaso si Councilor Danilo Baccay.

Nag-ugat ang kasong paglabag sa Revised Penal Code ni Baccay habang nakaupo ito bilang vice mayor ng lungsod noong 2009.

Ayon sa nagreklamo, hindi nagamit ng wasto ng dating bise alkalde ang P400,000 cheke na natanggap nito mula kay dating Local Legislative Staff Officer IV Christopher Samonte.

Gagamitin daw kasi sana ang pondo para sa codification ng mga ordinansa sa Tuguegarao City.

Pero para sa korte, bigo ang prosekusyon na depensahan ang kanilang paratang para madiin sa reklamo ang konsehal.

“In this case, while accused Baccay is an accountable officer within an ambit of the law, to the mind of the Court, and considering the attending circumstances found herein, he is not required by law or regulation to render accounts,” ayon kay Assoc. Justice Georgina Hidalgo na nagsulat ng desisyon.