Muling tiniyak ng Office of Transportation Cooperatives ng Department of Transportation na tutulungan at susuportahan nito ang mga dirber ng mga unconsolidated PUVs na makahanap ng trabaho sa loob ng mga nabuong kooperatiba o korporasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni OTC Chairman Andy Ortega na mariing tinututukan ng gobyerno ang mga driver na apektado dahil sa PUVMP.
Karamihan kasi sa kanila ay hirap sa transition sa bagong employment opportunities mula sa tradisyunal na driver-operator relationship.
Kaugnay nito ay hinimok ng Office of Transportation Cooperatives ang mga drivers na lumahok at sumali sa nabuong kooperatiba at korporasyon.
Ito’y upang magtuloy-tuloy pa ang kanilang pagtatatrabaho bilang mga PUV drivers.
Batay sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board , aabot na sa mahigit 190,000 na PUVs na sa buong bansa ang nakapag-consolidate.
Ito ay katumbas ng aabot sa 1,728 na kooperatiba at korporasyon na nabuo mula ng magsimula ang programa noong taong 2017.
Samantala, tiniyak naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board member Riza Marie Paches sa mga operators na maaari pa nilang ipasada ang kanilang mga consolidated traditional jeepneys.
Kung maaalala, nagbigay ng 27 months o higit dalawang taon na palugit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga operator para palitan ang kanilang mga traditional jeepneys ng modernisadong unit.
Siniguro naman ni Board Member Riza Marie Paches sa mga operators na makakabyahe pa rin ang mga consolidated na mga traditional jeepneys hanggang mapalitan ang mga ito ng mas environmentally friendly na mga sasakyan sa loob ng 27 buwan ng permit issuance.
Tiniyak rin ni Ortega sa CHR na considerate at balanse ang kanilang approach sa implementasyon ng PUV modernization program ng pamahalaan.










