-- Advertisements --

Nagbabala si U.S. President Donald Trump na wawasakin ng Amerika ang mga planta ng kuryente sa Iran kung hindi nito ganap na bubuksan ang Strait of Hormuz sa loob ng 48 oras.

Ang matinding banta ni Trump ay kasunod ng naging pahayag niya kamakailan tungkol sa paghupa ng giyera, ngunit muling uminit ang tensyon matapos ang serye ng mga pag-atake.

Ayon sa ulat, nagpakawala ang Iran ng dalawang long-range ballistic missiles na may layong 4,000 kilometro papunta sa US-UK military base sa Diego Garcia sa Indian Ocean.

Ayon kay Israeli military chief Eyal Zamir, ito ang unang pagkakataon na gumamit ang Iran ng ganitong uri ng missiles na may kakayahang umabot hanggang sa mga kapital sa Europa gaya ng Berlin, Paris, at Rome.

Sa Israel naman, tinamaan ng mga missile ng Iran ang mga lungsod ng Dimona at Arad na ikinasugat ng dose-dosenang katao, kabilang ang mga bata.

Mula nang magsimula ang opensiba ng U.S. at Israel noong Pebrero 28, mahigit 2,000 na ang nasawi sa Iran habang 15 naman ang naitalang namatay sa panig ng Israel.

“If Iran doesn’t FULLY OPEN, WITHOUT THREAT, the Strait of Hormuz, within 48 HOURS from this exact point in time, the United States of America will hit and obliterate their various POWER PLANTS, STARTING WITH THE BIGGEST ONE FIRST!” pahayag ni Trump sa social media.